Inilapit ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) MIMAROPA ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya sa pamamagitan ng Alagang OWWA Serbisyong Caravan na isinagawa nitong Nobyembre 24 sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.
Nakiisa sa caravan ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong institusyon upang magbigay ng serbisyo sa mga dumalo, kabilang ang OWWA para sa e-Card printing at welfare services; Department of Migrant Workers (DMW) para sa contract verification; PhilHealth para sa YAKAP services; at Social Security System (SSS) para sa registration, membership at loan services.
Nagbigay rin ng serbisyo ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa PhilSys o National ID, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa online course applications, Odiongan Public Employment Service Office (PESO) para sa employment services, at Department of Information and Communications Technology (DICT). Kabilang din sa mga kalahok ang BDO Network Bank at BPI Direct BanKo.

Ayon kay Ernalyn Manalastas, Supervising Administrative Officer ng OWWA MIMAROPA, mahalaga ang caravan upang mailapit ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan sa mga OFW at kanilang pamilya, lalo na sa mga hindi madaling makapunta sa mga tanggapan ng ahensiya.
Binigyang-diin niya na kinikilala ng OWWA ang mga sakripisyong kaakibat ng pagtatrabaho sa ibang bansa, kabilang ang pagkakawalay ng mga magulang sa kanilang mga anak at ng mag-asawa sa isa’t isa upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
“Gusto naming maramdaman ng ating mga OFW na sila ay pinahahalagahan, sinusuportahan at hindi nakakalimutan ng ating gobyerno,” ani Manalastas.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng caravan ay hindi na kailangang bumiyahe nang malayo o gumastos nang malaki ang mga OFW at kanilang pamilya upang makakuha ng mga serbisyo mula sa mga katuwang na ahensiya.
Sinuportahan ang aktibidad ng Lokal na Pamahalaan ng Odiongan at Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon.


























