Hinihikayat ng PhilHealth Romblon ang mga miyembro nito na samantalahin ang panahon mula Oktubre hanggang Disyembre upang magpalit ng kanilang napiling Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) provider kung nais lumipat sa ibang accredited health facility.
Ayon kay Leandro Flores, Chief Health Insurance Officer ng PhilHealth Romblon, bukas ang naturang panahon para sa mga miyembrong nais pumili ng ibang YAKAP provider na mas malapit o mas angkop sa kanilang pangangailangan.
Mahalaga ang pagpili ng YAKAP provider dahil dito unang makakakuha ang mga miyembro ng konsultasyon, preventive health services at iba pang benepisyong saklaw ng programa.
Sa ilalim ng YAKAP, hinihikayat ang mga miyembro na magpakonsulta kahit wala pang nararamdamang sintomas upang matukoy nang maaga ang mga posibleng sakit at mabigyan ng angkop na payong medikal.
Kabilang sa mga serbisyong maaaring ma-avail ang konsultasyon, piling laboratory at diagnostic examinations, screening para sa ilang sakit at mga gamot na saklaw ng programa, alinsunod sa mga itinakdang kondisyon at benepisyo.
Dahil dito, pinayuhan ni Flores ang mga miyembro na suriin kung ang kanilang kasalukuyang provider ay angkop sa kanilang lokasyon at pangangailangan at samantalahin ang itinakdang panahon kung nais magpalit.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapalit ng YAKAP provider at mga accredited facility sa Romblon, maaaring makipag-ugnayan sa PhilHealth Romblon.


























