Sinimulan na ng San Agustin Central Elementary School (SACES) ang implementasyon ng Project e-TURO, isang inisyatibo ng Department of Science and Technology (DOST) na naglalayong mapalawak ang access ng mga guro at mag-aaral sa makabagong kagamitan at learning resources sa pamamagitan ng teknolohiya.
Bilang pilot school sa bayan ng San Agustin, nakatanggap ang SACES ng mga kagamitan para sa proyekto kasunod ng pagsasanay sa mga guro at paghahatid ng mga device ng mga kinatawan ng DOST at RYR Innovation noong Setyembre 25.
Itinalaga naman bilang recipient class ang Grade 6 – Section A, kung saan gagamitin ang mga nasabing kagamitan bilang supplementary learning resources. Aktibo na ring ginagamit ng mga mag-aaral ang mga device bilang karagdagang suporta sa kanilang pag-aaral.
Matatandaang isinagawa ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa proyekto noong Agosto 10 bilang bahagi ng paghahanda sa implementasyon nito sa paaralan.
Isinasakatuparan ang Project e-TURO sa pakikipagtulungan ng DOST MIMAROPA, Pamahalaang Bayan ng San Agustin, Department of Education (DepEd), RYR Innovation, at iba pang project stakeholders.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng paaralan sa DOST, sa tanggapan ni Congressman Budoy Madrona, at sa Pamahalaang Bayan ng San Agustin sa pangunguna ni Mayor Aaron James Madrona dahil sa suportang ipinagkaloob para maisakatuparan ang proyekto.
Inaasahang makatutulong ang Project e-TURO sa pagpapalawak ng mga oportunidad sa pagkatuto ng mga mag-aaral at sa higit na paggamit ng teknolohiya bilang suporta sa pagtuturo at pag-aaral.


























