Pinalalakas ng PhilHealth Romblon ang pakikipag-ugnayan nito sa Department of Health (DOH) upang mas mapag-ugnay ang mga programa at mapahusay ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng lalawigan.
Ito ang inilahad ni Leandro Flores, Chief Health Insurance Officer ng PhilHealth Romblon, sa isinagawang Kapihan sa PIA Romblon noong November 19, 2026, kung saan tinalakay niya ang planong koordinasyon ng PhilHealth at DOH sa ilalim ng Unified National Agreement.
Ayon kay Flores, mahalagang magkaroon ng mas matibay na ugnayan ang dalawang ahensya dahil iisa ang kanilang pangunahing layunin, ang pangangalaga at pamamahala sa kalusugan ng publiko.
“Yung mga programa naman namin ay iisa lang ang denominator, yung kalusugan o yung pamamahala ng kalusugan,” ayon kay Flores.
Ipinaliwanag niya na kinakailangang magkaroon ng sapat na kaalaman ang bawat ahensya sa mga programa ng isa't isa upang matukoy kung paano mapag-uugnay ang mga ito at masulit ng mga mamamayan ang mga serbisyong pangkalusugan at benepisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan.
Bilang bahagi ng hakbang na ito, sinabi ni Flores na dumalo na ang kanilang tanggapan nitong mga nakaraang buwan sa iba't ibang summit at forum na naglalayong palakasin ang ugnayan at koordinasyon ng mga ahensyang may kinalaman sa serbisyong pangkalusugan.
Inaasahang makatutulong ang mas maayos na pagtutulungan ng PhilHealth at DOH upang mas mapakinabangan ng mga Romblomanon ang mga programa at serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.


























