Mayroon nang 13 accredited facilities ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) GAMOT program sa buong lalawigan ng Romblon, na nagbibigay ng mas maraming pagpipilian sa mga kwalipikadong miyembro upang makakuha ng mga kinakailangang gamot para sa outpatient treatment.
Ayon kay Leandro Flores, Chief Health Insurance Officer ng PhilHealth Romblon, kasalukuyang nasa 13 na ang mga accredited facilities sa lalawigan na maaaring pagkunan ng mga benepisyaryo ng mga gamot na saklaw ng programa.
Kabilang sa mga accredited facilities ang Isiah Hospital Medical Center at Isiah Pharmacy sa Odiongan; FB Pharmacy sa Looc; Bulilit Pharmacy sa Odiongan; Pharmacy ng Malipayon District Hospital sa Corcuera; Romblon Provincial Hospital sa Odiongan; Quali Health San Agustin Pharmacy; Romblon District Hospital sa Romblon, Romblon; Badajoz Pharmacy sa San Agustin; Tablas Island District Hospital sa San Agustin; Rovillos Hospital; Fetalino Drug and Medical Supplies sa Calatrava; at PS Ambassador sa Santa Fe.
Sa ilalim ng PhilHealth GAMOT o Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment, maaaring makakuha ang bawat kwalipikadong miyembro at kanilang mga dependent ng hanggang ₱20,000 halaga ng outpatient medicines kada taon. Hindi ito cash assistance kundi benepisyo para sa mga gamot na kabilang sa aprubadong listahan ng programa.
Saklaw ng GAMOT ang 75 uri ng mahahalagang gamot para sa mga karaniwang kondisyon gaya ng diabetes, altapresyon, mataas na kolesterol, impeksyon, hika at chronic obstructive pulmonary disease. Kabilang din sa mga halimbawang gamot ang paracetamol, aspirin at oral rehydration salts o Oresol. Gayunman, nakabatay pa rin sa pagsusuri at reseta ng doktor kung anong gamot ang kailangan ng pasyente at kung kabilang ito sa listahan ng PhilHealth.
Ayon kay Flores, upang magamit ang benepisyo, kailangang magparehistro ang miyembro sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at pumili ng accredited YAKAP clinic. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng eGovPH application, PhilHealth Member Portal o pagpunta sa PhilHealth Local Health Insurance Office. Pagkatapos magparehistro, kailangang magpakonsulta sa napiling YAKAP clinic. Ang awtorisadong doktor ang magsasagawa ng pagsusuri at magbibigay ng reseta sa pamamagitan ng PhilHealth GAMOT Application. Dapat itong may Unique Prescription Security Code (UPSC), na siyang ibe-verify ng accredited GAMOT facility bago ibigay ang mga gamot.
Dagdag ni Flores, sa pamamagitan ng 13 accredited facilities sa Romblon, mas napapalapit sa mga kwalipikadong miyembro ang access sa mga gamot na saklaw ng programa nang hindi lamang umaasa sa iilang pasilidad sa lalawigan.


























