Opisyal nang binuksan sa publiko ang Hataw Mall Shopping Center sa bayan ng Odiongan, na itinuturing na kauna-unahan sa lalawigan ng Romblon.
Layunin ng bagong shopping center na magbigay ng mas maraming pagpipilian sa pamimili at mas maginhawang karanasan sa mga mamimili, nang hindi na kinakailangang bumiyahe palabas ng lalawigan para makabili ng iba't ibang produkto.
May tatlong palapag ang gusali na naglalaman ng iba't ibang tindahan at pasilidad. Matatagpuan sa unang palapag ang mga pangunahing pangangailangan, kabilang ang mga gamit sa bahay, essential items at cellphone accessories.
Nasa ikalawang palapag naman ang mga tindahan ng sportswear at sports equipment, habang nakalaan ang ikatlong palapag para sa food court at arcade.
Nilagyan din ang mall ng air-conditioning system, escalator at elevator upang gawing mas komportable at maginhawa ang pamimili ng mga customer.
Ikinatuwa ni Odiongan Municipal Mayor Roger Fodra ang pagbubukas ng shopping center, na inaasahang makapagbibigay ng dagdag na sigla sa ekonomiya ng bayan sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng oportunidad sa kabuhayan para sa mga residente.
Ayon sa alkalde, mas mailalapit na rin nito sa mga taga-Romblon ang karanasan sa pamimili sa isang malaking shopping mall, partikular sa mga hindi pa nagkakaroon ng pagkakataong makapunta sa mga shopping center sa ibang lugar.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Hataw Shopping Center na mananatiling abot-kaya ang kanilang mga produkto dahil sumusunod ang lahat ng sangay nito sa iisang pamantayan ng presyo sa buong bansa.
Sinabi rin ng pamunuan na matitiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mga paninda sa pamamagitan ng sarili nitong logistics at trucking services na magsusuplay ng mga produkto sa Romblon.
Samantala, nagpahayag ng kasiyahan ang ilang mamimili, estudyante at lokal na vloggers sa pagbubukas ng mall. Anila, malaking tulong ito dahil mas marami na silang mapagpipiliang produkto, partikular na mga school supplies, office supplies at gamit sa bahay.
Inaasahang makapagbibigay ang pagbubukas ng Hataw Mall ng bagong oportunidad sa trabaho, makapagpapalawak ng komersiyal na aktibidad at makapagdaragdag ng sigla sa lokal na ekonomiya ng Odiongan at ng buong lalawigan.


























