Bahagyang bumagal sa 5.5 porsiyento ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa lalawigan ng Romblon noong Oktubre 2026, mula sa 5.7 porsiyento na naitala noong Setyembre.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Romblon na ibinahagi ni Statistical Specialist II Bobby Natal noong Nobyembre 12, kabilang sa mga nakatulong sa bahagyang pagbagal ng inflation ang paghina ng pagtaas ng presyo ng palay, isda at mga gulay.
Gayunman, nanatiling mataas ang inflation sa lalawigan, na bahagyang naiimpluwensiyahan din ng paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa kabila nito, kabilang pa rin ang Romblon sa tatlong lalawigan sa MIMAROPA na may pinakamababang inflation rate. Naitala naman sa 6.7 porsiyento ang inflation rate sa buong rehiyon noong Oktubre.
Kabilang sa mga pangkat ng bilihin at serbisyong nag-ambag sa pagtaas ng inflation ang alcoholic beverages and tobacco, transportasyon, at restaurant and accommodation services.
Iniulat din ni Natal na umabot sa 136.6 ang Consumer Price Index (CPI) ng Romblon, gamit ang 2018 bilang base year. Ipinapakita nito na ang katumbas na basket ng mga bilihin at serbisyo na nagkakahalaga ng ₱100 noong 2018 ay nagkakahalaga na ng humigit-kumulang ₱136.60 batay sa kasalukuyang CPI.


























