Umabot sa 32 Romblomanon ang kabilang sa mga nagsipagtapos sa Coast Guard Non-Officers' Course (CGNOC) Class 120-2026 “MAGAT-KALASAK” sa isinagawang graduation ceremony noong Nobyembre 11 sa Coast Guard Regional Training Center–Zamboanga City.
Dumalo sa seremonya si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona sa paanyaya ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM).
Ang pagtatapos ay nagmarka sa pagkumpleto ng kanilang pagsasanay upang gampanan ang mga responsibilidad sa pagpapatupad ng mandato ng PCG, kabilang ang pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan at paglilingkod sa publiko.
Sa isang pahayag, binati ni Madrona ang lahat ng nagsipagtapos, partikular ang mga Romblomanong kabilang sa klase. Ipinahayag din niya ang pakikiisa sa kanilang mga pamilya sa pagdiriwang ng kanilang tagumpay.
Hinimok niya ang mga bagong miyembro ng PCG na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad, propesyonalismo at pagmamahal sa bayan.


























