Pansamantalang ipagbabawal ang pagpasok ng publiko sa Bongan-Bongan Falls sa Barangay Camili, Alcantara, Romblon simula ngayong November 10, 2026, upang mapangalagaan ang kalinisan, kaayusan at kaligtasan sa lugar.
Ayon sa Alcantara Public Information Office, dinarayo nitong mga nakaraang araw ang talon ng mga residente at bisitang nais maligo at mamasyal. Gayunman, napansin ng lokal na pamahalaan ang pagdami ng mga basurang iniiwan ng mga dumadayo, na nakaaapekto sa kalinisan at kapaligiran ng lugar.
Binigyang-diin din ng LGU na may panganib sa kaligtasan ng mga naliligo dahil walang nakatalagang tauhan upang magbantay o tumugon sakaling magkaroon ng emergency.
Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na pansamantalang isara ang lugar sa publiko upang maprotektahan ang pinagkukunan ng tubig at maiwasan ang posibleng aksidente.


























