Hinikayat ng Provincial Tourism Office ang mga turista na tuklasin ang iba’t ibang isla sa Romblon na nag-aalok ng magkakaibang atraksyon at karanasan, sa halip na ituon lamang ang pagbisita sa iisang destinasyon sa lalawigan.
Sa panayam kay Kim Faderon, Tourism Officer ng Romblon Province ng isang radio station, sinabi niyang binubuo ang lalawigan ng pitong pangunahing grupo ng mga isla na may kabuuang humigit-kumulang 20 isla.
Ayon kay Faderon, bawat isla ay may sariling katangian at atraksyong maaaring tuklasin ng mga bisita, kaya magkakaiba rin ang karanasang maiaalok ng bawat destinasyon.
Isa sa mga maling akala tungkol sa Romblon ay isa lamang itong malaking isla, gayong binubuo ito ng magkakahiwalay na grupo ng mga isla na may kani-kaniyang likas na yaman at atraksyong panturismo.
Kabilang sa mga maaaring gawin ng mga turista ang snorkeling at free diving, partikular sa mga lugar na napalilibutan ng magagandang coral reef.
Tampok din sa mga ipinagmamalaking destinasyon ng lalawigan ang Sibuyan Island, kung saan matatagpuan ang Mount Guiting-Guiting National Park na kilala sa mapanghamong mga trail at mayamang biodiversity.
Binigyang-diin ni Faderon na hindi magkakapareho ang mga karanasang maiaalok ng mga isla, kaya hinihikayat niya ang mga biyahero na maglaan ng panahon upang mas makilala ang iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Samantala, ipinaliwanag din niya na nasa gitnang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas ang Romblon at may mga rutang pandagat na nag-uugnay rito sa mga karatig-lalawigan.
Sa pamamagitan ng pagpapakilala sa iba't ibang isla at kanilang mga atraksyon, layon ng Provincial Tourism Office na higit pang mahikayat ang mga turista na bisitahin at tuklasin ang mga destinasyon sa buong lalawigan.


























