Inalis na ng Land Transportation Office (LTO) ang naunang extension sa bisa ng mga lisensya at rehistro ng sasakyan, ngunit nagtakda ito ng palugit para sa mga dokumentong nag-expire habang umiiral ang naturang extension.
Batay sa Public Advisory ng LTO MIMAROPA, saklaw ng palugit ang rehistro ng mga sasakyan, lisensya ng driver at conductor, student permit, at medical certificate na nag-expire sa bisa ng Memorandum Circular No. MVL-2026-5271, na inilabas noong Hulyo 29, 2026.
Para sa mga dokumentong nag-expire noong Hulyo at Agosto 2026, magsisimula ang renewal sa Nobyembre 3, 2026, at ang huling palugit ay hanggang Disyembre 29, 2026. Para naman sa mga nag-expire noong Setyembre, magsisimula ang renewal sa Disyembre 1, 2026, at ang huling palugit ay hanggang Enero 29, 2027.
Samantala, ang mga dokumentong nag-expire noong Oktubre 2026 ay maaaring simulan ang renewal sa Enero 4, 2027, at may palugit hanggang Pebrero 26, 2027.
Walang karagdagang singil o multa sa loob ng itinakdang palugit. Gayunman, ipapataw ang kaukulang bayarin at parusa sa mga hindi makapag-renew bago ang huling extension date.
Nilinaw din ng LTO na ang mga lisensya ng driver at conductor, student permit at medical certificate na mag-e-expire simula Nobyembre 2026 ay susunod na sa regular na validity period at renewal schedule.


























