Nilinaw ni Sangguniang Panlalawigan Member Ricmel Falqueza na tig-10 kilo lamang ng bigas ang matatanggap ng bawat benepisyaryo sa buong lalawigan, kasunod ng kumakalat na impormasyon na may ilang bayan umanong namamahagi ng 15 kilo.
Ayon kay Falqueza, pare-pareho ang dami ng bigas na nakalaan sa bawat benepisyaryo, anuman ang bayan kung saan ito ipinamamahagi.
Ipinaliwanag din niya na nakabatay sa datos ng Community-Based Monitoring System (CBMS) ang pagpili sa mga makatatanggap ng ayuda. Kabilang sa mga kategorya ng pamilya sa datos ang poor, near poor at not poor, at prayoridad sa kasalukuyang pamamahagi ang mga pamilyang nasa kategoryang poor.
Ayon pa sa opisyal, naglaan muli ng pondo ang pambansang pamahalaan upang mapalawak ang rice assistance sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga munisipyo at lalawigan.
Umaasa ang pamahalaang panlalawigan na magpapatuloy ang programa sa mga susunod na buwan upang mas marami pang pamilyang nangangailangan ang makinabang.
Hinimok din ang publiko na patuloy na magsikap na magkaroon ng sariling pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan, sa halip na umasa lamang sa ayuda ng pamahalaan.


























