Hinimok ng Malacañang ang mga lokal na opisyal, lalo na ang mga opisyal ng barangay, na palakasin ang information campaign tungkol sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng PhilHealth upang mas maraming mamamayan ang makinabang sa mga benepisyong pangkalusugan nito.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may nakalaang hanggang ₱20,000 halaga ng libreng gamot kada taon para sa bawat benepisyaryo ng programa.
Hinikayat ni Castro ang mga lokal na opisyal na ipaalam sa kanilang mga nasasakupan kung paano makakakuha ng mga gamot sa ilalim ng YAKAP, upang mapakinabangan ang mga suplay na binili ng Department of Health (DOH) at maiwasan ang pagkasayang o pag-expire ng mga ito.
Maaaring makuha ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang libreng gamot sa mga YAKAP Center at GAMOT pharmacy ng DOH.
Nagbibigay din ang YAKAP Centers ng iba pang serbisyong medikal, kabilang ang cancer screening, diagnostic tests at mga pagsusuri para sa iba’t ibang karamdaman.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng impormasyon tungkol sa programa, layon ng pamahalaan na mahikayat ang mas maraming mamamayan na gamitin ang mga serbisyong pangkalusugan na nakalaan sa kanila.


























