Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang paglikha ng mga makabagong solusyon at palawakin ang mga programang napatunayang nakatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga mamamayan.
Inihayag ito ng Pangulo sa 2026 Galing Pook Awards Ceremony: The Ten Outstanding Local Governance Programs na ginanap sa Malacañang noong Miyerkules, kung saan kinilala ang 10 natatanging programa ng mga lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Marcos, kinikilala ng Galing Pook Awards na may temang “Islands of Hope: Local Innovations, National Inspiration” ang mga lokal na pamahalaang tumutugon sa mga hamon sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng mga programang may konkretong pakinabang sa mga mamamayan.
“We must continue to encourage new ideas and build on the solutions that have already been made and that now feeling the difference in our communities. Let us ensure that the progress we achieve today becomes the foundation for even greater accomplishments,” pahayag ng Pangulo.
Kabilang sa mga kinilalang programa ang Bataan E-Mobility sa Bataan; Building Spaces in a Spaceless City sa Valenzuela City; Del Carmen Farm-to-Spoon sa Del Carmen, Surigao del Norte; at Iloilo City Action and Resilience (ICARe) Center: Decentralizing Risk Governance sa Iloilo City.
Kasama rin sa mga nagwagi ang KABAHAGI: QC’s Family-Governed Care for Children with Disabilities sa Quezon City; Kawsa sa Agrikultura ug Panginabuhian sa Barangay (KAAGAPAY) sa Davao del Norte; at North Manila Bay Nature-based Solutions Pilot Project sa Barangay Pamarawan, Malolos City, Bulacan.
Kinilala rin ang One Name, One Identity: Walang Maiiwan Pagayawan sa Lanao del Sur; Project Denguerra – War on Dengue sa Baguio City; at Zero Illiteracy and Innumeracy Program for Mangyans (ZIP) sa Oriental Mindoro.
Bawat isa sa 10 natatanging programa ay nakatanggap ng plake ng pagkilala, Galing Pook marker at ₱300,000 cash prize mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG)–Local Government Academy. Nagkaloob din ng mga tropeo para sa mga tumanggap ng special citation sa Risk to Resilience Governance.
Ayon sa Galing Pook Awards secretariat, nakatanggap ito ng 208 aplikasyon ng programa mula sa 148 lokal na pamahalaan para sa paghahanap ngayong 2026.
Itinatag noong Oktubre 21, 1993, ang Galing Pook Awards ay isang programang kumikilala sa mga makabagong gawain ng mga lokal na pamahalaan. Katuwang nito ang DILG, Local Government Academy, SM Prime Holdings Inc. at Land Bank of the Philippines.
Binigyang-pugay rin ng Pangulo ang lahat ng finalist sa kanilang ambag sa kani-kanilang komunidad sa pamamagitan ng inobasyon at dedikasyon sa serbisyo publiko.


























