Maglalagay ng limitasyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Romblon sa outdoor activities ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sakaling maging matindi ang init dulot ng El Niño.
Ayon kay Jail Senior Inspector Emely Mallen ng Romblon District Jail, hindi basta papayagang lumabas ng pasilidad ang mga PDL kung magiging sobrang init upang maiwasan ang mga posibleng panganib sa kanilang kalusugan.
Partikular na bibigyang-pansin ang mga senior citizen na PDL na maaaring mas maging vulnerable sa epekto ng matinding init.
Bago payagang lumahok sa outdoor activities, isasagawa muna ng medical officer ng BJMP ang kinakailangang assessment upang matukoy kung ligtas para sa mga PDL na lumabas ng pasilidad.
“Lalo na po ‘yung mga senior citizen natin kasi baka po magkaroon ng stroke o kaya magkaroon ng mga sakit sa balat. So i-assess po natin ‘yun. Bago sila palabasin po ay magkakaroon po muna ng assessment ang ating medical officer,” ani Mallen.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang mga posibleng heat-related illnesses at iba pang komplikasyon sa kalusugan na maaaring dulot ng matinding init.
Patuloy namang minomonitor ng BJMP Romblon ang kondisyon ng panahon at kalagayan ng mga PDL upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang isinasagawa ang mga kinakailangang aktibidad sa loob ng pasilidad.


























