Mahigit 700 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ng Alcantara, Romblon ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas sa ilalim ng karagdagang rice subsidy program na pinondohan ng ₱5 milyong Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan.
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga rehistradong solo parent, persons with disability (PWD), bedridden senior citizen, senior citizen na edad 75 pataas, at Women in Especially Difficult Circumstances (WEDC).
Ayon kay Mayor Riza Pamorada, binili ng lokal na pamahalaan ang bigas alinsunod sa Sagip Saka Act, na nagbibigay-daan sa mga ahensya ng pamahalaan at local government units na direktang bumili ng mga produktong agrikultural mula sa mga magsasaka.
Ang pamamahagi ng tig-10 kilo ng bigas ay dagdag sa mga naunang benepisyaryo na nabigyan na noong mga nakaraang buwan, matapos magkaroon ng available na bigas mula sa LGSF allocation.
Ang ₱5 milyong LGSF allocation ay inilaan para sa mga programang tumutugon sa food security at pangangailangan ng mga pamilya sa lokalidad.
Nagpaabot naman ng pasasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos ang mga benepisyaryo sa rice subsidy na kanilang natanggap.


























