Nakalusot na sa committee level ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang Municipality of Romblon bilang “Marble Capital of the Philippines.”
Inaprubahan ng House Committee on Tourism ang panukala sa isinagawang pagpupulong ngayong October 7, na pinangunahan ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus F. Madrona bilang chairperson ng komite.
Ang panukala ay nakapaloob sa House Bill No. 4230 na inihain ni Madrona noong September 1, 2025. image.
Batay sa explanatory note ng panukala, kinikilala ang Municipality of Romblon sa matagal nang tradisyon nito sa marble industry at stone carving, kabilang ang paggawa ng sculptures, tiles, home decors, souvenirs at architectural pieces.
Binanggit din sa panukala ang malawak at mataas na kalidad na marble deposits sa lugar, gayundin ang kasaysayan ng industriya na umabot pa sa panahon ng Spanish colonial era.
Ayon kay Madrona, patuloy niyang isinusulong ang mga hakbang para sa turismo na nagbibigay-halaga sa mga yamang likas, kultura, kasaysayan at mga komunidad.
“Patuloy ang ating pagsusulong ng turismo na nagbibigay-halaga sa ating mga yaman, kultura, kasaysayan, at mga komunidad—para sa mas masiglang turismo at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino,” ani Madrona.
Layunin ng panukala na kilalanin ang Municipality of Romblon bilang Marble Capital of the Philippines, bilang pagkilala sa marble industry at tradisyonal na stone carving na bahagi ng lokal na industriya at kultura.


























