Nagsagawa ang Romblon District Jail (RDJ) ng simpleng salu-salo kasama ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Elderly Filipino Week 2026.
Sa pangunguna ng mga jail officer, nagsama-sama ang mga PDL sa isang hapag upang magsalo ng pagkain at magkaroon ng pagkakataong magkuwentuhan at makipag-ugnayan sa isa’t isa.
Ayon sa RDJ, bahagi ang naturang aktibidad ng mga hakbang nito para maisulong ang rehabilitasyon ng mga PDL na nakatuon hindi lamang sa seguridad at disiplina kundi pati sa kanilang pakikisalamuha at ugnayan sa loob ng pasilidad.
Layunin din ng aktibidad na maisulong ang paggalang at pagtrato sa bawat tao nang may dignidad at respeto, anuman ang kanilang kalagayan.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, binibigyan ng pagkakataon ang mga PDL na makibahagi sa mga gawaing pangkomunidad sa loob ng pasilidad bilang bahagi ng kanilang rehabilitasyon. (PR)


























