Nagpaabot ng mensahe ng pagkilala at pasasalamat si Romblon Lone District Representative Emmanuel “Budoy” Madrona para sa mga guro sa buong lalawigan kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Day ngayong October 5.
Ayon kay Madrona, mahalaga ang papel ng mga guro sa paghuhubog sa mga kabataan at sa mga susunod na henerasyon ng mga lider at propesyonal.
“Sa likod ng bawat tagumpay ng ating mga kabataan ay ang walang-sawang sakripisyo, malasakit, at dedikasyon ng ating mga guro. Kayo ang nagbibigay-liwanag sa bawat silid-aralan, kaya naman nararapat lamang na ibigay sa inyo ang pinakamataas na paggalang at pagpapahalaga hindi lamang sa araw na ito kundi sa bawat araw ng taon,” pahayag ni Madrona.
Binigyang-diin din ng kongresista ang kanyang patuloy na suporta sa sektor ng edukasyon sa Kongreso, kabilang ang pagtulak sa mga programa at pondo para sa kapakanan ng mga guro at pagpapabuti ng mga pasilidad sa mga paaralan sa buong lalawigan.


























