Pormal nang pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) – Romblon Provincial Statistical Office ang pagbubukas ng 37th National Statistics Month (NSM) sa pamamagitan ng serye ng aktibidad na isinagawa sa Barangay Mapula, bayan ng Romblon.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng STATWalk mula Barangay Agnay patungo sa bakawan ng Barangay Mapula, na sinundan ng Mangrove Planting at Coastal Cleanup Activity bilang bahagi ng mga gawaing nagtataguyod ng pangangalaga sa kapaligiran.
Sa isinagawang aktibidad, humigit-kumulang 280 punla ng bakawan ang naitanim ng mga kalahok upang makatulong sa rehabilitasyon at pagpapanatili ng yamang-dagat ng komunidad.
Nakiisa sa pagbubukas ng NSM ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP), gayundin ang mga opisyal ng iba’t ibang barangay sa bayan ng Romblon.
Dumalo rin si Romblon Mayor Gerard M. Montojo upang ipahayag ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga aktibidad na nagtataguyod ng kahalagahan ng datos at estadistika sa pagpaplano at paggawa ng mga programa para sa komunidad.
Bilang bahagi naman ng pagbubukas ng NSM, nagsagawa rin ang PSA Romblon ng Gift-Giving at Feeding Program para sa mga day care pupils ng Barangay Mapula.
Naghatid din ang ahensya ng mobile registration para sa National ID at serbisyo para sa pagproseso ng mga dokumento sa civil registration para sa mga residente.
Ang mga aktibidad ay bahagi ng paggunita sa National Statistics Month, na naglalayong palaganapin ang kamalayan sa kahalagahan ng estadistika bilang mahalagang batayan sa paggawa ng mga desisyon, programa at polisiya para sa kaunlaran.

























