Mahigit 1,500 pulis ang itatalaga sa iba’t ibang bahagi ng MIMAROPA upang tiyakin ang ligtas at maayos na paggunita sa Undas 2026, sa ilalim ng “Ligtas Undas 2026” plan ng Philippine National Police (PNP).
Inilahad ang deployment plan sa isinagawang 3rd Quarter Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) meeting noong September 24, sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD) MIMAROPA.
Inaasahan ng pulisya ang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo, simbahan, transport terminals at tourist destinations pagsapit ng All Saints’ Day at All Souls’ Day, kaya palalakasin ang police visibility at seguridad sa mga lugar na inaasahang maraming bibisita.
Sa ilalim ng plano, magtatalaga ng mga tauhan sa mga sementeryo at memorial parks, tourist destinations, simbahan at pangunahing lansangan. Maglalagay rin ng Police Assistance Desks at Motorist Assistance Centers upang agad na matulungan ang publiko at mga biyahero.
Mahigpit ding imo-monitor ang mga paliparan, pantalan at bus terminals dahil sa inaasahang pagdami ng mga biyahero bago at matapos ang Undas.
Makikipagtulungan sa PNP ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang mga community volunteer, bilang bahagi ng koordinadong security network sa buong rehiyon.
Ayon kay PRO MIMAROPA Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) Officer-in-Charge Alfredo Lorin Jr., bahagi ng maagang paghahanda ang paglalahad ng deployment plan upang matiyak ang kahandaan ng mga awtoridad bago ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero.
“We are preparing as early as now to make sure our communities are safe. We encourage the public to coordinate with our personnel and immediately report any concerns so we can respond quickly,” ani Lorin.
Sa ilalim ng whole-of-government approach, layunin ng operasyon na mapanatili ang maayos at mapayapang kapaligiran para sa mga pamilyang bibisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Hinikayat naman ang publiko na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa kanilang lugar at agad na i-report ang anumang insidente o concern sa pinakamalapit na Police Assistance Desk.


























Discussion about this post