Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang 38-anyos na lalaki na itinuturong suspek sa pambubugbog at tangkang pagpatay sa isang 45-anyos na babae sa Sitio Ilaya, Barangay Marigondon, Cajidiocan, Romblon noong September 19, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station (MPS), nagtungo ang biktima sa main road dakong 9:45 ng gabi upang maayos na iparada ang kanyang motorsiklo.
Habang dumaraan sa madilim na bahagi ng daan malapit sa isang sapa, nakarinig umano ng sigaw ang mga anak ng biktima. Agad silang nagtungo sa lugar at natagpuan ang kanilang ina na walang malay at duguan ang mukha, na may mga laceration at iba pang blunt-force injuries sa mukha at ulo.
Ayon sa pulisya, isa sa mga anak ng biktima ang nakakita umano ng isang lalaki na tumatakbo palayo sa lugar at nakilala ito bilang isang taong dati umanong romantically involved sa biktima.
Agad dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital para sa paunang lunas. Dahil sa tindi ng kanyang mga tinamong pinsala, inilipat siya sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan sa pamamagitan ng sea ambulance para sa karagdagang gamutan.
Samantala, nagsagawa ng follow-up investigation at hot-pursuit operation ang Cajidiocan MPS laban sa tinukoy na suspek, isang 38-anyos na may-asawa, tricycle driver at residente rin ng Barangay Marigondon.
Patuloy ding iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo sa insidente. Batay sa mga paunang pahayag na nakalap, kabilang sa tinitingnang motibo ang umano’y selos.


























Discussion about this post