Nagsagawa ng site inspection at archaeology operations ang mga kinatawan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at National Museum of the Philippines (NMP) sa Balinsasayaw Cave sa Barangay Mahabang-baybay, San Agustin, Romblon noong September 22, 2026.
Katuwang sa isinagawang operasyon ang Lokal na Pamahalaan ng San Agustin, DENR Romblon at mga opisyal ng Barangay Mahabang-baybay.
Bahagi ng aktibidad ang pag-iinspeksyon sa trail patungo sa kuweba at pagsusuri sa loob at labas ng Balinsasayaw Cave.
Sa isinagawang pagsusuri, naitala ang ilang archaeological finds, kabilang ang mga artifact, human bones at isang wooden coffin.
Batay sa paunang findings at assessment ng NMP at NCCA, ilan sa mga natuklasang artifact ay tinatayang humigit-kumulang 700 taong gulang at maaaring may kaugnayan sa mga archaeological findings sa Banton o posibleng mas matanda pa.
Gayunman, binigyang-diin na paunang pagsusuri pa lamang ang naturang pagtataya at kinakailangan pa itong sumailalim sa karagdagang pag-aaral at assessment ng NMP at NCCA sa mga susunod na buwan.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng Rescue Archaeology Operations upang matukoy, maidokumento at mapag-aralan ang mga natuklasan sa lugar, gayundin upang matiyak ang nararapat na pangangalaga sa mga ito bilang bahagi ng archaeological at cultural heritage ng San Agustin.
Samantala, mananatiling sarado sa publiko ang Balinsasayaw Cave habang isinasagawa ang karagdagang assessment at binubuo ang mga kinakailangang plano para sa pangangalaga at pamamahala ng lugar.
Inaasahang makatutulong ang patuloy na archaeological studies sa mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan, kultura at heritage ng San Agustin at ng lalawigan ng Romblon.


























Discussion about this post