Arestado ang isang 60-anyos na lalaki na itinuturing na High-Value Target (HVT) sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Maligaya, Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon, dakong 2:30 ng madaling araw nitong September 24, 2026.
Ang suspek ay isang 60-anyos na may-asawa, walang trabaho at residente ng Barangay Poblacion, Magdiwang.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Romblon ang operasyon, katuwang ang Magdiwang Municipal Police Station (MPS) at PDEA Occidental Mindoro Provincial Office.
Batay sa ulat, umano’y nagbenta ang suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu sa isang undercover operative kapalit ng ₱1,000.
Sa isinagawang search incidental to lawful arrest, narekober pa umano mula sa suspek ang apat na karagdagang sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa isang gramo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga na may tinatayang standard drug price na ₱6,800.
Nakuha rin bilang non-drug evidence ang genuine ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang berdeng kaha ng sigarilyo, isang pula at itim na motorsiklo, isang itim na cellphone at isang bukas na transparent plastic.
Nasa kustodiya ngayon ng Magdiwang MPS ang suspek para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag umano sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na sasailalim pa sa kaukulang legal na proseso.



































Discussion about this post