Ligtas na nasagip ang walong katao, kabilang ang pitong crew ng LCT PMI-3 na naka-anchor sa Looc Bay, matapos lumubog ang bangkang kanilang sinasakyan sa karagatan ng Barangay Punta, Looc, Romblon, dakong alas-7:30 ng gabi noong Agosto 29.
Kabilang sa mga nasagip ang 54-anyos na operator ng bangka na isang mangingisda.
Batay sa paunang imbestigasyon, sumakay ang pitong crew ng LCT PMI-3 sa bangka mula sa kanilang naka-anchor na barko upang magtungo sa Poblacion ng Looc at bumili ng kanilang mga kinakailangang suplay.
Habang pabalik na sila sa kanilang barko, malalakas na alon umano ang humampas sa bangka, dahilan upang pasukin ito ng tubig hanggang sa tuluyang lumubog.
Agad namang isinagawa ang rescue operation at matagumpay na nailigtas ang lahat ng walong sakay.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Pansamantalang dinala at pinatuloy ang mga nasagip sa Evacuation Center sa Barangay Punta habang isinasagawa ang kaukulang koordinasyon at pagbibigay ng assistance sa mga ito.



































Discussion about this post