Dalawang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos umanong mahuling pumuputol ng kahoy nang walang kaukulang permit sa Sitio Upper Dapawan, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon noong Agosto 18.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office, nagsasagawa ng anti-illegal logging operation ang mga tauhan ng Intelligence at Monitoring and Enforcement Unit ng Odiongan Municipal Police Station nang maaktuhan umano ang dalawang indibidwal na pumuputol ng puno ng Gmelina.
Nang hingan ng mga awtoridad ng permit para sa pagputol ng puno, wala umanong naipakitang kaukulang dokumento ang dalawa. Wala rin silang naipakitang rehistro para sa mga chainsaw na ginagamit sa operasyon.
Agad silang inaresto at dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang dokumentasyon.
Sa isinagawang pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources-PENRO Romblon, nakumpiskang 37 piraso ng kahoy na Gmelina na may kabuuang sukat na 74.99 board feet at tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,749.50.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act No. 9175 o Chainsaw Act of 2002.



































Discussion about this post