Sinuspinde ng Sangguniang Bayan ng San Fernando ang walong opisyal ng Barangay España matapos silang mapatunayang nagkasala sa kasong simple misconduct kaugnay ng pagpapagamit ng Barangay Multi-Purpose Hall bilang pansamantalang tirahan ng barangay secretary at kanyang pamilya.
Batay sa desisyon sa SB Administrative Case No. 04-2026-001, ipinataw ang isang buwan at kalahating suspensyon kay Barangay Chairperson Marie Ann Roldan, habang isang buwang suspensyon naman ang ipinataw kina Barangay Kagawad Arnel Marin, Donato Royo, Charm Rada, Nole De Leon, Miriam Mortel, Cris Cleope, at Closy Mortel.
Ayon sa reklamo, pinayagan ng mga respondent na gamitin ni Barangay Secretary Maricel Palomar at ng kanyang pamilya ang Barangay Multi-Purpose Hall bilang pribadong tirahan nang mahigit isang taon, na umano'y nagdulot ng pagkakait sa publiko ng paggamit sa pasilidad. Nakasaad din sa desisyon na sa regular na sesyon ng Sangguniang Barangay noong Marso 31, 2025, pinayagan ang pamilya ni Palomar na manatili sa gusali nang libre sa loob ng anim na buwan at pagkatapos ay magbayad ng ₱500 buwanang upa.
Sa desisyon, sinabi ng Sangguniang Bayan na lumabag ang mga opisyal sa Section 335 ng Local Government Code, na nagbabawal sa paggamit ng pampublikong pondo o ari-arian para sa pribado o pansariling layunin. Gayunman, ibinasura ang mas mabibigat na paratang na gross misconduct, gross negligence, at conduct prejudicial to the best interest of the service dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Nakasaad din sa desisyon na bagama't kinilala ng Sangguniang Bayan ang paliwanag ng mga respondent na pinayagan nilang manatili si Palomar at ang kanyang mga anak sa gusali dahil umano sa makataong konsiderasyon bilang mga biktima ng VAWC Law, hindi nito inalis ang pananagutan ng mga opisyal sa pagpayag na magamit ang pampublikong gusali para sa pribadong layunin.
Sa panig naman ni Roldan, sinabi nitong handa niyang tanggapin ang ipinataw na suspensyon dahil naniniwala siyang ginawa niya ang nararapat bilang isang opisyal ng barangay.
“Kung masuspinde man ako, bukod pa sa mga kagawad, dahil lamang sa pagtulong sa isang biktima ng VAWC, at kung masuspinde man ako dahil sa pagtatanggol sa ating isla laban sa pagmimina—kaugnay ng kasong isinampa ng tatlong kagawad at ng SK Chairperson—buong puso ko itong tatanggapin. Mas pipiliin kong makasuhan at masuspinde kaysa hindi gawin ang nararapat na tungkulin ng isang opisyal ng barangay,” pahayag ni Roldan.
Samantala, ibinasura naman ng Sangguniang Bayan ang mga reklamong isinampa laban kina Barangay Secretary Maricel Palomar at Barangay Treasurer Vicky Rotoni dahil sa kawalan ng hurisdiksyon, nang walang prejudice sa pagsasampa ng kaukulang reklamo sa tamang tanggapan o tribunal.



































Discussion about this post