Pormal na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ang Tripsy, isang Android-based tricycle booking at dispatch system, bilang bahagi ng modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa bayan.
Binuo ang mobile application sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Odiongan, Romblon State University (RSU), at Department of Science and Technology (DOST) upang makapagbigay ng mas organisadong sistema ng transportasyon para sa mga pasahero at tricycle driver.
Pinondohan ang proyekto sa ilalim ng Smart and Sustainable Communities Program (SSCP) ng DOST na naglaan ng ₱898,701 para sa pagbuo at pagpapatupad nito sa Odiongan.
Isinagawa ang launching ceremony sa Bulwagan ng Municipal Hall kung saan dumalo ang mga kinatawan ng DOST, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga pinuno ng iba't ibang tanggapan, mga tricycle driver, at iba pang stakeholder.
Ayon kay Tripsy Project Manager Joy Mariz Mesana, bahagi ang proyekto ng pagsisikap ng mga katuwang na institusyon na maghatid ng mga serbisyong gumagamit ng makabagong teknolohiya para sa mga mamamayan ng Romblon.
Samantala, muling pinagtibay ng Romblon State University ang suporta nito sa mga programang gumagamit ng agham at teknolohiya upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad. Kinatawan ng unibersidad sa programa si Vice President for Research, Extension, Development and Innovation Dr. Eddie Fetalvero.
Malugod namang tinanggap ng mga miyembro ng sektor ng transportasyon ang bagong sistema. Ayon kay Tony Fabregas ng Odiongan Tri-bike Operators and Drivers Association, maaaring makatulong ang aplikasyon sa mga drayber sa pagbawas ng konsumo sa gasolina dahil hindi na nila kailangang maghanap pa ng pasahero habang umiikot sa bayan.
Aniya, maaari nang makatanggap ng booking request ang mga drayber habang naghihintay sa mga terminal, na maaaring makatulong sa pagtitipid ng gasolina at pagdaragdag ng mga biyahe.
Ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, inaasahang makatutulong ang Tripsy sa pagpapahusay ng operasyon ng mga tricycle, pagpapalawak ng access sa transportasyon, at pagbibigay ng mas maginhawang serbisyo sa mga commuter sa pamamagitan ng digital booking technology.
Bahagi rin ang proyekto ng pagsusulong ng digitalization program ng pambansang pamahalaan na naglalayong gamitin ang teknolohiya at inobasyon upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko at mapaunlad ang mga lokal na komunidad. — with reports from Jenalyn Urbano and Sarah Jane Vicente



































Discussion about this post