Tumanggap ng starter toolkits ang 25 iskolar ng Bread and Pastry Production (BPP) NC II sa isinagawang pamamahagi ng Special Training for Employment Program (STEP) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Montfort Academy Inc. sa bayan ng Romblon noong Hunyo 1.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng isang electric oven at isang electric mixer na may kasamang mixing bowl bilang bahagi ng programa.
Ayon kay TESDA Regional Director Baron Jose L. Lagran, layunin ng mga ipinagkaloob na kagamitan na magamit ng mga iskolar ang kanilang natamong kasanayan mula sa pagsasanay at magkaroon ng pagkakataong pagkakakitaan ang mga ito.
Samantala, pinaalalahanan ni TESDA Romblon Provincial Director Atty. Glenn Niño M. Sartillo ang mga benepisyaryo na gamitin ang mga natanggap na kagamitan para sa layunin ng programa.
Sinabi rin niya na mahalagang mapagsama ang mga natamong kasanayan at ang mga ipinagkaloob na kagamitan upang magkaroon ng oportunidad ang mga benepisyaryo na makapagsimula ng maliit na negosyo o iba pang pagkakakitaan.
Ang STEP ay programa ng TESDA na nagbibigay ng libreng pagsasanay at assessment sa mga kalahok upang makakuha ng National Certificate II (NC II).
Kabilang din sa mga benepisyo ng programa ang starter toolkit na ipinagkakaloob sa mga nagtapos ng pagsasanay upang magamit bilang panimulang kagamitan sa kanilang napiling larangan.



































Discussion about this post