Patuloy na pinapalakas ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Odiongan District Jail ang kanilang rehabilitasyon program sa pamamagitan ng “Bantay Ko, Tutor Ko!” na naglalayong bigyan ng edukasyon at bagong pag-asa ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Isinasagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), bilang karagdagang suporta sa Alternative Learning System (ALS) na ibinibigay sa loob ng pasilidad.
Ayon kay Jail Senior Inspector Rowenna Olivar, ang programa ay nagsisilbing extension ng ALS upang mas mapalalim ang pagkatuto ng mga PDL, lalo na sa mga pangunahing kasanayan tulad ng pagbasa, pagsulat, at pagbibilang.
“Bukod sa aming regular na tungkulin bilang tagapagbantay, ginagampanan din namin ang papel bilang tagapagturo upang mas matulungan ang mga PDL na magkaroon ng kaalaman na magagamit nila sa kanilang pagbabalik sa komunidad,” sinabi ni Olivar sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 40 PDL ang aktibong nakikinabang sa programa. Bukod sa basic literacy, unti-unti ring ipinapakilala sa kanila ang mga kasanayang maaaring magamit sa paghahanapbuhay sa hinaharap.
Binigyang-diin ni Olivar na mahalaga ang edukasyon bilang bahagi ng rehabilitasyon ng mga PDL, dahil nakatutulong ito sa pagbabago ng pananaw, paglinang ng disiplina, at pagbibigay ng pagkakataon para sa mas maayos na buhay pagkatapos ng kanilang pagkakakulong.
Dagdag pa ni Oliver, kahit ang mga PDL na napapalaya na ay patuloy nilang hinihikayat na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa labas ng pasilidad, sa pamamagitan ng ALS ng DepEd o sa pinakamalapit na paaralan sa kanilang komunidad.
“Gusto naming masigurong hindi dito natatapos ang kanilang pagkatuto. Kapag nakalaya na sila, mahalaga na may direksyon silang babalikan at isa na dito ang edukasyon,” aniya.
Sa pamamagitan ng “Bantay Ko, Tutor Ko!” program, layon ng BJMP Odiongan na hindi lamang mapanatili ang kaayusan sa loob ng pasilidad kundi makapagbigay rin ng konkretong hakbang tungo sa tunay na rehabilitasyon at reintegration ng mga PDL sa lipunan.



































Discussion about this post