Patay ang isang tricycle driver matapos mahulog sa Bongoy River sa Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon bandang 2:10 ng madaling araw ng Biyernes Santo, April 3.
Kinilala ang biktima na si Jonah Galicia, 46-anyos, residente ng Barangay Anahao, Odiongan at isang tricycle driver.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pauwi na umano ang biktima habang minamaneho ang kanyang tricycle nang dumiretso ito sa ilog sa hindi pa matukoy na dahilan.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala ang biktima sa ospital para sa agarang gamutan. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng attending physician sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.


































