Pormal nang binuksan sa publiko ang Museo de Romblon kasabay ng pagdiriwang ng ika-395 na Founding Anniversary ng Romblon noong Marso 19.
Isinagawa ang pagpapasinaya sa dating gusali ng munisipyo, na dati ring nagsilbing cuartel o barracks, tribunal o courtroom, at karsel bago naging presinto ng pulisya. Pinangunahan ito ni Romblon Mayor Gerard Montojo, na siyang nagtaguyod ng pagtatatag ng museo bilang imbakan ng kasaysayan at kultura ng bayan.
Tampok sa museo ang iba’t ibang artifacts, kabilang ang buto ng short-finned pilot whale na natagpuan sa baybayin ng Barangay Sablayan, gayundin ang mga paintings, sculptures, at iba pang likhang-sining ng mga local artist.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng museo na magsilbing ugnayan ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng Romblon.
Ipinapakita rin dito ang mga kwento, dokumento, at alaala na sumasalamin sa buhay, paniniwala, kultura, at pagkamalikhain ng mga Romblomanon.
Dagdag pa, inaasahang magsisilbi itong sentro ng edukasyon at pagpapahalaga sa pamanang kultural, lalo na para sa mga kabataan, habang pinatitibay ang pagkakaisa at pagmamalaki sa lokal na kasaysayan.


































