Magbabalik-ensayo ang Gilas Pilipinas para sa pagpapatuloy ng FIBA World Cup Asian Qualifiers kung saan magkasunod na makakalaban ng pambansang koponan ang mga powerhouse teams na New Zealand at Australia.
Kaugnay nito, hiniling ni Gilas head coach Tim Cone sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Philippine Basketball Association (PBA) na mabigyan ang koponan ng hindi bababa sa 10 araw na ensayo upang makapagkondisyon at makapagpraktis ang lahat ng miyembro bago ang mga laban sa Pebrero 26 at Marso 1, 2026.
Kabilang sa mga inaasahang sasama sa ensayo sina naturalized player Justin Brownlee, ang nagbabalik mula sa ACL injury na si Kai Sotto, pati sina Quentin Millora-Brown, AJ Edu, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Kevin Quiambao, June Mar Fajardo, CJ Perez, at Calvin Oftana.
Sa kasalukuyan, hawak ng Gilas Pilipinas ang 2–0 record sa Group A. Nakatakda nilang harapin ang New Zealand Tall Blacks sa Mall of Asia Arena sa Pebrero 26, habang ang Australia naman ang makakatapat sa parehong venue sa Marso 1 para sa ikalawang window ng qualifiers.
Nanatiling bukas ang posibilidad ng pagbabago sa line-up ayon kay Coach Tim Cone habang nagpapatuloy ang torneo.


































