Patay ang isang barangay tanod matapos umanong bugbugin ng isang lalaking matagal na nitong kaalitan sa Barangay Tabin-Dagat, Odiongan, Romblon noong gabi ng Lunes, February 2.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Meniano Forio, 57 taong gulang, barangay tanod ng Barangay Ligaya. Ang suspek naman ay kinilalang si Ariel Aungon, 31 taong gulang, residente ng Barangay Tabin-Dagat.
Batay sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, naglalakad umano ang biktima sa isang iskinita nang makasalubong niya ang suspek. Doon ay bigla na lamang umano siyang pinagsusuntok sa ulo.
Sinubukan pang umiwas ng biktima ngunit natumba sa mabatong bahagi ng iskinita.
Isang barangay kagawad na malapit sa lugar ang agad na rumesponde matapos may mag-ulat ng kaguluhan. Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na may matagal nang alitan ang biktima at ang suspek na posibleng naging motibo ng insidente.
Naaresto ang suspek ng mga rumespondeng pulis at kasalukuyang nakakulong habang inihahanda ang kasong homicide laban sa kanya.


































