Aabot sa 2,780 na mag-aaral mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Romblon ang tumanggap ng libreng SIM cards mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ng Bayanihan SIM Project, na layong palawakin ang digital access para sa edukasyon, lalo na sa mga liblib at underserved na komunidad.
Batay sa datos ng DICT Romblon, 835 sa mga benepisyaryo ay mula sa bayan ng Cajidiocan. Kabilang dito ang mga mag-aaral ng Cambalo National High School, Cambalo Elementary School, Angel Rio Elementary School, at Marigondon Elementary School.
Sa ilalim ng programa, ang bawat SIM card ay mayroong 25GB na mobile data kada buwan na maaaring gamitin sa online classes, digital learning platforms, at iba pang educational resources.
Namahagi rin ang DICT ng SIM cards sa iba pang bahagi ng lalawigan kabilang ang San Agustin at Romblon, Romblon. Sa bayan ng San Agustin, humigit-kumulang 760 mag-aaral mula sa Carmen Elementary School, Carmen National High School, at Sugod Elementary School ang nakinabang sa programa.
Ayon kay DICT Romblon Provincial Engineer Gaymar Gaytano II, maaaring magamit ang mga SIM card nang hanggang isang taon, na magsisilbing tuluy-tuloy na suporta sa mga mag-aaral at guro na umaasa sa internet connectivity para sa pagkatuto at pagtuturo.
Ang Bayanihan SIM Project ay isang pangunahing programa ng DICT sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong palakasin ang digital connectivity at mabawasan ang digital divide, lalo na sa mga malalayong at geographically isolated na lugar gaya ng Romblon.


































