Magsasagawa ng kauna-unahang San Agustin Municipal Tourism Summit ang lokal na pamahalaan ng San Agustin, Romblon sa pangunguna ng Municipal Tourism Office, bilang bahagi ng mga hakbang upang higit pang paunlarin at palakasin ang sektor ng turismo sa bayan.
Ayon kay Jerome Madrona, Tourism Officer ng San Agustin, layunin ng summit na magsilbing plataporma para sa mas malalim na diskusyon hinggil sa napapanatiling turismo, partisipasyon ng komunidad, at mga makabagong estratehiya na makatutulong sa paglago ng lokal na industriya ng turismo.
Dagdag ni Madrona, inaasahang dadalo sa summit ang mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang national government agencies, gayundin ang mga Tourism Master Planners, na magbabahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa sustainable tourism practices, community-based tourism development, at tamang pamamahala ng mga destinasyon.
Tatalakayin din sa pagtitipon ang mahahalagang isyu tulad ng pangangalaga sa kalikasan, responsableng turismo, paglikha ng kabuhayan para sa mga lokal na residente, at kung paano mapapakinabangan ng komunidad ang pagdami ng mga turista nang hindi nasasakripisyo ang likas-yaman at kultura ng bayan.
Inaasahan namang makikinabang sa summit ang mga opisyal ng barangay, tourism stakeholders, negosyante, mga samahang pangkomunidad, at iba pang sektor na may kinalaman sa turismo. Layunin ng lokal na pamahalaan na makabuo ng mas malinaw na direksyon at konkretong plano para sa pangmatagalang turismo sa San Agustin.


































