Nakahanda na ang mahigit 25,000 family food packs (FFPs) sa iba’t ibang warehouses ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Romblon bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Ramil.
Ayon kay Abegail Fetilo, Team Leader ng SWAD Team Romblon, agad silang nag-request ng replenishment matapos ipamahagi ang mga naunang food packs sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Opong noong nakaraang buwan.
Aniya, mula sa 18,000 FFPs na dating naka-standby sa lalawigan, itinaas ito sa 25,000 alinsunod sa commitment ni DSWD Secretary Rex Gatchalian nang bumisita ito kamakailan sa Romblon, kung saan tiniyak nitong madaragdagan ang suplay ng relief goods sa probinsya.
Samantala, sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Scenario Building noong Oktubre 15, sinabi ni Eva Deriada ng DSWD MIMAROPA na nakahanda na rin ang mga evacuation centers sa buong rehiyon na may kabuuang capacity na 129,900 katao upang masiguro ang agarang paglikas ng mga residenteng maaapektuhan ng sama ng panahon.
Batay sa 72-hour accumulated rainfall forecast ng DOST-PAGASA, tinatayang 289,977 indibidwal o 28,828 mahihirap na pamilya sa MIMAROPA region ang posibleng maapektuhan ng paparating na bagyo. Ang forecast ay base sa Global Spectral Model (GSM) at Weather Research and Forecasting (WRF) na inilabas noong Oktubre 15, alas-8 ng umaga.
Binigyang-diin ni Deriada ang kahalagahan ng maagang paghahanda at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang mabilis na pagtugon at pagbibigay-tulong sa mga maaapektuhang pamilya.
Sinabi rin ng DSWD MIMAROPA na patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon at handa silang magbigay ng agarang tulong sa mga pamilyang kailangang lumikas o mangailangan ng emergency relief.
Discussion about this post