Limang lalaki mula sa Barangay Agpudlos ang inaresto ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station matapos silang maaktuhang lumalabag sa umiiral na liquor ban sa bisperas ng halalan.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y pag-inom ng alak ng mga lalaki sa naturang barangay. Agad na nirespondehan ng pulisya ang insidente at nadatnan ang mga suspek na tumatagay ng alak na kwatro kantos.
Matapos makumpirma ang aktibidad, inaresto ang lima at dinala sa himpilan ng pulisya. Kasalukuyan silang nakakulong sa San Andres Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa liquor ban na ipinatutupad kaugnay ng halalan.


































