Hinihikayat ng Department of Science and Technology (DOST) Romblon ang mga estudyante, mananaliksik at mga innovator na gamitin ang libreng pasilidad ng Romblon Innovation Hub (iHub) upang mapaunlad at masubukan ang kanilang mga ideya at imbensyon.
Ayon kay Angela Mae Famini, focal person ng iHub, bukas ang pasilidad sa mga estudyante at innovator na nais mag-explore, mag-develop at magpahusay ng kanilang mga proyekto at makabagong konsepto.
Inilunsad ang Romblon iHub noong Agosto 29, 2025 sa pakikipagtulungan ng DOST MIMAROPA at Chesed Center for Community Development Inc. Matatagpuan ito sa Provincial Science and Technology Office sa Romblon at nagsisilbing pre-incubation facility para sa mga startup, estudyante, mananaliksik at micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Sa pamamagitan ng pasilidad, maaaring higit pang subukan at pinuhin ng mga innovator ang kanilang mga ideya, teknolohiya at konsepto ng negosyo na maaaring iangkop sa pangangailangan ng mga lokal na komunidad at merkado.
Bahagi ito ng layunin ng DOST na suportahan ang pagbuo ng mga makabagong solusyon at palakasin ang inobasyon at entrepreneurship sa lalawigan.
Bukas ang Romblon iHub mula Lunes hanggang Biyernes, alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.


























