Iniulat ni Department of Labor and Employment sa Romblon na aabot sa 13,396 ang naging benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa buong probinsya ng Romblon noong nakaraang taon.
Sinabi ni Dr. Carl Villaflores, DOLE Romblon Provincial Director, sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Martes na isa ang TUPAD sa mga programa ng gobyerno na napapakinabangan ng publiko lalo na umano ng mga naapektuhan ng sakuna.
Para sa simula naman ng taong 2023, sinabi ni Dr. Villaflores na may pondo ang ahensya para sa sa pagpapatuloy ng TUPAD kung saan ang mga nasalanta ng bagyong Paeng sa probinsya ang kanilang bibigyan ng prayoridad. Sinabi ni Villaflores na maaring pumunta sa mga Public Employment Service Offices sa kanilang lugar para magpatala para sa programang TUPAD o di kaya ay sa opisina ng DOLE Romblon sa bayan ng Odiongan.
“Ngayong taon, malaki ang pondo natin para TUPAD. Nasa stage na tayo nang pagkalap ng mga benepisyaryo natin sa tulong ng Public Employment Service Offices. Meron tayong P17-million for implementation,” pahayag ni Dr. Villaflores.
“Ang sinasabi natin, kung gusto mong mag-avail ng TUPAD, puwede kayong pumunta sa DOLE kung hindi kayo naisama sa inyong lugar. As long as qualified ka, walang problema, punta ka lang sa DOLE kasi minsan may naka-reserve tayo para sa ganyan,” dagdag nito.
Paalala naman ni Villaflores sa mga benepisyaryo ng programa na ‘wag papayag na magkaroon ng kahati sa pag-avail ng TUPAD program kagaya nang mga ugong-ugong na di umano ay may naghahati sa sampung araw na trabaho sa programa at maghahati rin sa sahod pagbigay ntio.
Ayon kay Villaflores, hindi ito pinapayagan ng ahensya at puwedeng hindi makatanggap ng sahod ang mapapatunayang gagawa ng ganitong mudos.
Ang TUPAD ay isa lamang sa mga programa ng Department of Labor and Employment na naglalayong mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino.


























