Umabot na sa unang pagbasa sa House of Representatives ang House Bill No. 11843 na naglalayong itatag ang Romblon State Polytechnic Institute (RSPI) sa pamamagitan ng pagsasama ng Romblon National Institute of Technology (RNIT) sa Alcantara at TESDA Provincial Training Center sa Odiongan.
Inakda ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus Madrona, layon ng panukala na pagsamahin ang dalawang institusyon at iangat ang mga ito bilang isang polytechnic institution na tatawaging Romblon State Polytechnic Institute.
Ayon sa panukalang batas, magkakaroon ng bagong institusyong pang-edukasyon at pagsasanay na magbibigay ng mas malawak na oportunidad sa mga Romblomanon na makakuha ng teknikal at bokasyonal na kasanayan at makapaghanda para sa trabaho.
Sa naunang ulat ng Philippine Information Agency (PIA) noong Nobyembre 9, sinabi ni Madrona na layunin ng panukala na mapalawak ang oportunidad sa edukasyon at trabaho sa lalawigan, lalo na para sa mga residenteng nais matuto ng mga kasanayang maaari nilang magamit agad sa paghahanapbuhay.
Kabilang sa mga larangang binanggit niya ang mechanical work, welding at electrical technology, na maaari umanong magbigay ng oportunidad sa trabaho sa loob at labas ng bansa. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtulong sa mga dating mag-aaral at trainees ng RNIT na makakuha ng National Certificates (NCs) upang mapalakas ang kanilang kwalipikasyon sa paghahanap ng trabaho.
Sa sandaling maisabatas, inaasahang magsisilbing panibagong institusyon ang RSPI para sa teknikal, bokasyonal at polytechnic education sa Romblon. Gayunman, kailangan pa nitong dumaan sa mga susunod na yugto ng proseso ng paggawa ng batas bago ito tuluyang maaprubahan.

























