Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng halos ₱83 bilyon para sa year-end bonus at cash gift ng mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan ngayong 2026.
Sa ilalim ng inilabas na direktiba ng DBM, kailangang maibigay ang mga benepisyo kasabay ng unang sahod ng mga kawani sa Nobyembre.
Katumbas ng isang buwang basic salary batay sa sahod noong Oktubre 31, 2026 ang year-end bonus, habang ₱5,000 naman ang cash gift para sa mga kwalipikadong civilian, military at uniformed personnel.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon, naipamahagi na sa mga ahensya ng pamahalaan ang pondo at hinimok ang mga ito na tiyaking matatanggap ng mga empleyado ang dalawang benepisyo sa iisang payroll.
Umabot sa ₱82.998 bilyon ang kabuuang alokasyon, na binubuo ng ₱73.449 bilyon para sa year-end bonus at ₱9.549 bilyon para sa cash gift.
Batay sa DBM Budget Circular No. 2024-3, kailangang nakapagsilbi ang isang kawani nang hindi bababa sa apat na buwan o kabuuang 120 araw mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2026. Kailangan ding nananatili siya sa serbisyo ng pamahalaan hanggang Oktubre 31 upang maging kwalipikado sa buong benepisyo.
Kabilang sa kinikilalang serbisyo ang pagtatrabaho sa regular, contractual o casual positions sa pambansa o lokal na pamahalaan, gayundin ang mga awtorisadong leave of absence na may bayad.
Ipinaliwanag ng DBM na nakadepende sa payroll schedule ng bawat ahensya ang aktuwal na petsa ng pagbabayad, basta't maibigay ang bonus at cash gift kasabay ng unang sahod sa Nobyembre.


























