Posibleng makaranas ng meteorological drought ang Romblon sa January 2027 kasunod ng inaasahang paglaganap ng below-normal rainfall o mas mababang pag-ulan kaysa karaniwan sa bansa, batay sa anim na buwang pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa drought at dry spell assessment ng PAGASA na inilabas noong October 1, 2026, kabilang ang Romblon sa mga lalawigang posibleng makaranas ng kakulangan sa ulan sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.
Batay sa pagtataya, posibleng makaranas ang Romblon ng dry conditions sa katapusan ng October, na maaaring maging dry spell sa November at magpatuloy hanggang December.
Pagsapit ng January 2027, kabilang na ang Romblon sa mga lalawigan sa MIMAROPA na posibleng makaranas ng meteorological drought, kasama ang Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro at Palawan.
Ayon sa PAGASA, ang dry spell ay tumutukoy sa tatlong magkakasunod na buwan ng below-normal rainfall o dalawang magkasunod na buwan na ang pag-ulan ay mahigit 60 porsiyentong mas mababa sa karaniwan.
Samantala, ang meteorological drought ay nangyayari kapag nakapagtala ang isang lugar ng tatlong magkakasunod na buwan na ang pag-ulan ay mahigit 60 porsiyentong mas mababa sa normal, o limang magkakasunod na buwan ng below-normal rainfall.
Posibleng makaapekto ang matagal na kakulangan sa ulan sa produksyon ng mga pananim, pangangailangan sa irigasyon, suplay ng tubig at kabuhayan ng mga magsasaka sa lalawigan.
Batay sa pambansang pagtataya ng PAGASA, inaasahang tataas ang bilang ng mga lugar na posibleng makaranas ng drought mula anim sa katapusan ng October, 17 sa December, 45 sa January, 78 sa February at 84 sa March 2027.
Gayunman, nilinaw sa pagtataya na mga posibleng kondisyon pa lamang ang mga ito at hindi nangangahulugang opisyal nang idineklara ang drought sa mga nabanggit na lugar. Nakabatay pa rin ang aktuwal na kondisyon sa magiging pattern ng pag-ulan sa mga susunod na buwan.


























