Hinikayat ni Sangguniang Panlalawigan Member Irene Lourdes Morgado ang mga kabataang innovator na bumuo ng mga makabagong solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng kanilang mga komunidad.
Sa kanyang mensahe sa *Romblon iHub SPARK: Hackathon for Solutions and Possibilities to Advance Resilience and Knowledge Economy* na ginanap noong Oktubre 29, binigyang-diin ni Morgado ang kahalagahan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na maipakita ang kanilang pagkamalikhain, kakayahan at potensyal na makapag-ambag sa pag-unlad ng lalawigan.
Ayon kay Morgado, bahagi ng proseso ng pagbuo ng inobasyon ang paulit-ulit na pagwawasto at pagpapahusay ng mga ideya, gayundin ang pagtanggap ng mga mungkahi mula sa mga eksperto at tagapayo.
Inihalintulad niya ang prosesong ito sa paghubog ng marmol, na nangangailangan ng tiyaga at pagsisikap upang makabuo ng isang obra.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang pagkapanalo sa kompetisyon ang dapat maging layunin ng mga kalahok, kundi ang paglikha ng mga solusyong may konkretong pakinabang sa mga mamamayan.
Kabilang sa mga halimbawang binanggit ang mga inobasyong makatutulong sa mga magsasaka, magpapahusay sa pagkatuto ng mga estudyante at magpapalakas sa kahandaan ng mga barangay sa panahon ng sakuna.
Hinimok din ni Morgado ang mga kalahok na huwag panghinaan ng loob kung hindi magwagi sa kompetisyon. Sa halip, hinikayat niya silang patuloy na pagbutihin ang kanilang mga ideya at gawing panimulang punto sa paglikha ng mga solusyon ang mga suliraning nakikita nila sa kanilang sariling komunidad.
Nakatuon ang hackathon sa pagbuo ng mga makabagong ideya at solusyong maaaring makatulong sa pagpapalakas ng katatagan ng mga komunidad at pagpapaunlad ng ekonomiyang nakabatay sa kaalaman sa Romblon.


























