Inihahanda ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang ₱147 milyong assistance package para matulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang epekto ng inaasahang El Niño sa 2027.
Inilahad ang plano sa isinagawang 3rd Quarter Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) meeting noong September 24, kung saan tinalakay ang mga hakbang para sa maagang paghahanda sa posibleng epekto ng tagtuyot sa rehiyon.
Ayon sa DA MIMAROPA, isinasagawa na ang koordinasyon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa mga climate forecast, gayundin ang prepositioning ng mga binhi, pataba, planting materials at farm equipment.
Isinasagawa rin ang mga training at information drive upang matulungan ang mga magsasaka at lokal na pamahalaan na makapaghanda sa mga posibleng dry condition.
Kabilang sa pangunahing intervention ang Fuel Assistance to Farmers Project, na magbibigay ng ₱5,000 halaga ng fuel assistance sa mga kwalipikadong magsasakang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Sa Palawan pa lamang, mahigit 2,100 magsasaka ang inaasahang makikinabang sa naturang fuel assistance.
Bukod dito, kabilang sa mga nakaplanong suporta ang water management measures, drought-tolerant crop varieties at farm inputs para sa mga lugar na maaapektuhan ng tagtuyot, gayundin ang field validation at monitoring.
Binigyang-diin ng DA MIMAROPA ang kahalagahan ng maagang pagkilos, batay sa mga naging epekto ng mga nakaraang El Niño sa rehiyon na nakapinsala sa mahigit 35,000 ektarya ng agricultural land at nagdulot ng bilyun-bilyong pisong pagkalugi, kabilang ang mahigit ₱3 bilyon na pinsala mula June 2023 hanggang March 2024.
“Ang mga hakbang na ito ay hindi lamang tugon sa hamon ng El Niño, kundi bahagi ng ating patuloy na pagtitiyak na handa at protektado ang ating mga magsasaka laban sa mga epekto ng klima,” ani DA MIMAROPA Development Management Officer Maria Teresa Carido.
Layunin ng maaga at magkakaugnay na paghahanda na maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at makatulong na matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa rehiyon.
Hinimok naman ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na tanggapan ng DA para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga available na assistance program.


























Discussion about this post