Nakatuon ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pagpapaunlad at pagpapahusay ng Calatrava Port sa Romblon bilang bahagi ng isinusulong na Diamond Route ng MIMAROPA Region.
Sa liham ng PPA sa mga gobernador sa MIMAROOPA, ipinahayag ng ahensya ang pormal nitong commitment na paunlarin at pagandahin ang mga daungang kabilang sa proposed Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan (MIMAROPA) Diamond Route.
Kabilang sa pitong pantalan na tinukoy ng PPA para sa pagpapahusay ang Calatrava Port. Kasama rin dito ang mga pantalan sa Batangas, Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, at dalawang pantalan sa Palawan.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang inter-island passenger at cargo movement, mapalakas ang tourism circuits sa MIMAROPA, mabawasan ang oras at gastos sa pagbiyahe at logistics, at suportahan ang regional economic integration sa pamamagitan ng modernong RoRo o fast ferry services.
Para sa Romblon, inaasahang makatutulong ang pagpapaunlad ng Calatrava Port sa pagpapalakas ng koneksyon ng lalawigan sa iba pang bahagi ng MIMAROPA at sa pagpapalago ng turismo, kalakalan at iba pang gawaing pang-ekonomiya.
Ayon sa PPA, makikipagtulungan ito sa mga pamahalaang panlalawigan para sa pagpapaunlad ng mga nabanggit na pantalan.
Hindi pa tinukoy sa liham ang iskedyul o partikular na mga infrastructure works para sa Calatrava Port, ngunit malinaw na kabilang ang pantalan sa mga pasilidad na nakapaloob sa commitment ng PPA para sa MIMAROPA Diamond Route.


































Discussion about this post