Personal na inalam ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic ang kalagayan at pangangailangan ng mga komunidad sa Santa Fe kasunod ng mga pinsalang dulot ng pagbaha dahil sa Habagat.
Dumalo si Fabic sa flag-raising ceremony ng Lokal na Pamahalaan ng Santa Fe at nakipagpulong sa mga Punong Barangay upang direktang marinig ang kanilang mga concerns at pangangailangan.
Kasama si Mayor Asher Visca, nag-ikot din ang gobernadora sa ilang barangay upang personal na makita ang mga nasirang tulay at kalsada bunsod ng pagbaha.
“Hindi sapat na marinig lang natin ang problema. Kailangan natin itong makita at puntahan para malaman agad kung ano ang mga dapat gawin,” ani Fabic.
Sa kanyang pagdalo sa flag ceremony, tinalakay din ang mga nakaplanong infrastructure projects at health programs ng Pamahalaang Panlalawigan para sa Santa Fe.
Nakatuon ang mga programa sa pagpapabuti ng pangunahing imprastraktura, pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at pagpapahusay ng kalidad ng buhay ng mga residente ng bayan.


































