Arestado ang isang 50-anyos na babae matapos umanong maaktuhan sa buy-bust operation kontra iligal na droga nitong hapon ng February 3 sa Sitio Apyan, Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Net,” walang trabaho at residente ng nasabing lugar.
Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng pinagsanib na buy-bust operation ang mga operatiba ng gobyerno kontra sa suspek.
Isang operatiba ang nagpanggap na poseur-buyer at nakabili umano ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu mula sa suspek kapalit ng halagang P500. Matapos ang transaksyon ay agad ipinakilala ng operatiba ang kanyang sarili at inaresto ang suspek.
Narekober din sa suspek ang anim na heat-sealed plastic sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng shabu, gayundin ang marked money.
Ayon sa pulisya, tinatayang may kabuuang timbang na humigit-kumulang 2.6 gramo ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga na may tinatayang halagang P15,600.
Nasa kustodiya na ng Magdiwang MPS ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 na isasampa sa Provincial Prosecutor’s Office.


































