Nasabat ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), katuwang ang kapulisan, ang ilang piraso ng hinihinalang iligal na kahoy sa bayan ng San Fernando, Sibuyan Island, Romblon.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon noong Enero 14 bandang alas-dos ng hapon matapos makipag-ugnayan ang DENR sa San Fernando Municipal Police Station para sa isang joint anti-illegal logging operation.
Agad rumesponde ang mga pulis upang magbigay ng seguridad sa operasyon.
Bandang alas-singko y medya ng hapon, natagpuan ng pinagsanib na puwersa ang anim na piraso ng inabandonang Red Lauan lumber na may sukat na 2x6x20 o kabuuang 120 board feet, na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang anim na libong piso.
Wala umanong naabutang indibiduwal sa lugar at iniwan na lamang ang mga kahoy.
Matapos ang operasyon, dinala ang mga nasabat na kahoy sa DENR Guard Post 3 sa Sitio Olango, Barangay Espana, San Fernando, para sa kustodiya at safekeeping.





























