Ligtas at nasa maayos na kalagayan ang apat na mangingisdang napaulat na nawawala matapos matagpuan sa Sibuyan Island, Romblon ang kanilang sinasakyang motorbanca na nasiraan sa gitna ng karagatan.
Batay sa ulat ng Coast Guard Station Southern Tagalog–Quezon (CGSSQ), hindi nakarating sa bayan ng San Francisco, Quezon ang motorbanca ng mga mangingisda noong Disyembre 8, 2025 matapos itong makaranas ng engine trouble habang nasa laot. Dahil dito, isinagawa ang beripikasyon at koordinasyon ng CGSSQ katuwang ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang matukoy ang kinaroroonan ng mga ito.
Noong Disyembre 14, 2025, natunton ng mga awtoridad ang apat na mangingisda sa Barangay Agtiwa, San Fernando, Sibuyan Island. Ayon sa mga awtoridad, nasa mabuti namang kondisyon ang mga ito nang matagpuan.
Dalawa sa apat na crew ang nakabalik na sa Port of Lucena at nakauwi sa kani-kanilang tahanan sa bayan ng San Francisco, Quezon nitong Disyembre 17. Samantala, nagpaiwan naman ang iba pang kasamahan upang tapusin ang pagkukumpuni ng nasirang motorbanca.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang mga mangingisda na tiyakin ang kundisyon ng kanilang sasakyang-dagat bago pumalaot at agad na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan sakaling makaranas ng aberya sa karagatan.


































